Parang scripted ang pagkapatay kay Carl Arnaiz: Taxi driver na 'hinoldap'

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2017 07:59 PM

Humarap na sa media ang taxi driver na umano'y hinoldap ng 19 anyos na si Carl Angelo Arnaiz

Maiksi at pili lang ang mga pahayag sa media ng driver na si Tomas Bagcal.

Nanindigan si Bagcal na talagang naholdap siya at positibo ring tinukoy na si Arnaiz ang gumawa nito.

Siya raw kasi mismo ang nakahuli sa suspek matapos siyang manghingi ng tulong sa mga tambay na malapit sa lugar kung saan siya hinoldap.

"Pagkahuli ko, binubugbog na ng mga taumbayan na tumulong sa 'min, natanggal ko 'yong hood [hoodie] kaya namukhaan ko po siya."

Pinigilan niya pa raw ang mga nambubugbog at pilit na dinala sa presinto ang suspek.

Taliwas ito sa mga nauna niyang salaysay na nahuli ang suspek nang magpasaklolo siya sa ilang pulis-Caloocan.

Paliwanag naman ni Bagcal, nagkaroon ng pagkakaiba sa kaniyang mga salaysay dahil hindi naman daw siya ang gumawa ng lumabas na affidavit.

"Hindi totoo kong statement 'yon e... ang tinanong lang sa 'kin do'n 'yong birthday, pangalan, tsaka edad. Tapos 'yong OR-CR [official receipt-certificate of registration] ng sasakyan [taxi].

Dagdag pa niya, pilit niyang pinababago ang salaysay na umano'y may kasabwat ang nangholdap sa kaniya.

"Ini-implicate nila 'yong isang 14 years old na kasama daw noong namatay sa C3, which is isa lang ang humoldap sa 'kin na itinurn over ko sa istasyon... doon ko klinaro na isa lang, isa lang ang humoldap sa'kin."

Tinutukoy ni Bagcal ang 14 anyos na si Reynaldo de Guzman na sinasabing kasama ni Arnaiz noong Agosto 17, ang huling araw na nakita buhay ang dalawang teenager.

Nitong Miyerkoles, natagpuan ang tadtad ng saksak na bangkay ni De Guzman sa isang creek sa Gapan, Nueva Ecija.

Giit ni Bagcal, buhay niyang dinala sa presinto ng pulis ang nahuli niyang holdaper. Pero makalipas daw ang isang oras, nagkaroon ng putukan.

"Hindi ko masagot na may nanlaban. Basta pagkita ko, naglalakad siya, and then split second, may putukan, kita ko bagsak na 'yong naglalakad na nangholdap sa 'kin."

"Ang ano ko lang kasi sa nangyari sa pulis, 'yong pagkapatay no'ng pinresent kong holdaper, parang may stage play o scripted ang pagkapatay."

Kuwento ni Bagcal, pinili niyang magpakustodiya sa grupong Rise Up dahil may biglang humalughog na raw sa kaniyang tinutuluyang apartment. 

Ayaw niya ring madamay pa sa gulo ang kaniyang pamilya.

"Pati iyong apartment ko, may 'rumansack' na kasi pagdating ko sa apartment ko, nakatiwangwang na e dati-rati 'yon, nakasarado. Pati 'yong bahay ko, ganoon din. May pumupunta roon, hinahanap ako. So 'yan ang mga pressure na nagiging ano sa 'king buhay ngayon," ani Bagcal.

Handa rin daw si Bagcal na sagutin ang iba pang tanong tungkol sa pagkamatay ni Arnaiz sa tamang lugar at panahon, tulad kung sa korte o pagdinig ng Senado.

-- Ulat nina Michael Delizo at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.