Lalaking nag-amok sa lamay, patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2017 09:37 AM | Updated as of Sep 10 2017 10:02 PM

MANILA - Napatay ang isang 60-anyos na lalaki nang maka-engkwentro ng mga pulis na humahabol sa kanya dahil sa pag-aamok at pamamaril umano sa isang lamay sa Bgy. Longos, Malabon Linggo.

Kuwento ng mga residente, unang hinampas ng suspek na si Jaime "Popoy" Espiritu ang mga kotse sa Block 12 gamit ang isang basag na bote.

Kasunod nito, binaril umano ni Espiritu ang 2 nakikilamay sa lugar na sina Jomarie Cerbito at Rustan Guarino, dahilan para isugod sila sa ospital.

Ayon kay PO1 Christian Casas, bigo siya at isang kasamahan na abutan si Espiritu sa lugar, pero natunton nila ito kalaunan sa Pampano Street.

Dito na aniya muling naglabas ng baril si Espiritu at pinapatukuan ang mga pulis, kaya nakipagpalitan sila ng putok at napatay ang suspek.

Sa imbestigasyon, napag-alamang nakainom at gumamit ng droga si Espiritu matapos umalis ang asawa at anak sa lugar.

Nalaman ding dati nang nagkakaso si Espiritu sa women and children protection desk ng barangay.

Ayon sa mga residente, ilang araw na siyang nagdadala ng baril sa lamay na kalapit ng kanyang bahay. Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.