Duterte, ibinunyag ang 'joint bank accounts' ni Trillanes

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2017 07:48 PM | Updated as of Sep 10 2017 10:31 PM

Muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Antonio Trillanes IV sa kanyang pagbisita sa Closing Plenary ng 26th Mindanao Business Conference sa Cagayan de Oro City.

Ibinunyag ng pangulo sa harap ng Mindanao Business Conference ang aniya'y joint bank accounts ni Trillanes sa ilan umanong Chinese sa ibang bansa.

"I'm coming up with Trillanes' bank deposits all over. Ngayon nakuha ko na. Akala niya hindi ko rin kaya. I am giving you few days the number of deposits he has with Chinese joint accounts. It's all over Hong Kong, Australia, America," ani Duterte.

Pero sagot ni Trillanes, wala itong katotohanan. Hinamon niya ang pangulo na ilabas ang detalye at agad siyang pipirma ng waiver.

Samantala, ipinakita naman ni Duterte ang kanyang tattoo sa braso at kamay na tila patama kay Trillanes na inakusahan ang kanyang anak na si Vice Mayor Paolo Duterte na miyembro ng isang triad.

Bukod kay Trillanes, pinatutsadahan muli ng pangulo si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na puro umano kalaban sa politika ang pinakakasuhan nito.
 
"Wala pa akong nakitang yellow nademanda. Puro kalaban. Last time si Gringo," ani Duterte.

Binanatan din ng pangulo ang mga biyahe ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

"Si Sereno naman she is running the Supreme Court as if a private firm at saka mag-abroad sabi niya I always led a simple life. Tinignan namin mga ano sa hotel, mga suite."

Dahil din umano sa isyu ng katiwalian, plano ng pangulo na buwagin ang tatlong ahensiya ng gobyerno kabilang ang Road Board at Sugar Regulatory Board.

-- Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.