PatrolPH

Walang tigil na ulan naranasan sa Pampanga, Bataan dahil sa bagyong Jolina

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2021 04:38 AM

Naranasan ang walang tigil na pag-ulan sa mga lalawigan ng Pampanga at Bataan nitong Miyerkoles dahil sa bagyong Jolina.

Sa Pampanga, maghapong makulimlim at hindi tumila ang katamtaman hanggang malakas na ulan. 

Dahil dito, tumaas ang baha sa ibang mabababang lugar sa lalawigan na halos hindi pa humupa ang baha dahil sa nagdaang mga pag-ulan at high tide tulad sa Barangay Sta. Maria sa bayan ng Macabebe.

Naranasan din ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin sa Bataan.

Dahil dito, ilang mga kumpanya sa Freeport Area of Bataan ang nagsuspende ng trabaho sa night shift. 

Sa Barangay Alas Asin sa bayan ng Mariveles, naputol ang ilang sanga ng puno dahil sa lakas ng hampas ng hangin. Umabot din sa isang talampakan ang taas ng tubig sa Barangay Poblacion.

Sa pinakahuling advisory ng PAGASA, nanantiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa kanlurang bahagi ng Pampanga at sa buong lalawigan ng Bataan. — Ulat ni Gracie Rutao

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.