PatrolPH

Ilang LGU pinaghahandaan na ang COVID-19 vaccination ng mga bata

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2021 08:40 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Naghahanda na ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa pagbabakuna ng mga menor de edad na 12 pataas. 

Ang Pateros, binuksan na ang online registration para sa mga residenteng menor de edad. 

"May QR code kaming ginawa especially for 12 to 17 years old, exclusively for Pateros residents," ani Pateros Mayor Ike Ponce. 

Hinihintay na lang aniya ang go-signal ng national government. 

Inililista naman sa Marikina ang contact details at pangalan ng mga magulang na nagtatanong kaugnay ng pagbabakuna ng mga menor de edad, pati ang pangalan ng kanilang mga anak.

Nanawagan din si Marikina Mayor Marcelino Teodoro na maglabas na ng guidelines kaugnay dito. 

"For all practical intents and purposes, iko-consider namin 'to na registered na. Bahagi rin ito ng gusto nating maabot na herd immunity," ani Teodoro. 

Sa datos, lumalabas na 70 porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga lokal na pamahalaan ang mga may edad 18 pataas. 

Matatandaang binago ang emergency use authorization ng Pfizer at Moderna vaccines para payagang makapagpabakuna ang mga may edad 12 hanggang 17 anyos kontra COVID-19. 

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.