PatrolPH

Laguna Lake dapat hukayin para 'di na magbaha ulit: Biñan mayor

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2021 02:12 PM

Watch more on iWantTFC

Nanawagan ngayong Huwebes si Biñan City Mayor Arman Dimaguila sa national government na aksiyunan ang dredging o paghuhukay sa Laguna Lake upang hindi na muling bahain nang malala ang kanilang lungsod.

"Hangga't 'di dine-dredge ng national government [ang] Laguna Lake para tumaas ang capacity niya mag-stock ng tubig, lagi ganito ang mangyayari sa Biñan at mga karatig-bayan," sabi ni Dimaguila.

Binitiwan ni Dimaguila ang pahayag matapos bahain noong Miyerkoles ang residential areas sa Biñan at mga karatig-lugar ng Santa Rosa, San Pedro at Santa Cruz dahil sa pananalasa ng Bagyong Jolina.

Sa Biñan, hindi bababa sa 10 barangay ang binaha. Ang lebel ng tubig sa ibang lugar ay abot hanggang dibdib o lampas-tao pa.

Ayon kay Dimaguila, posible ring abutin hanggang Disyembre bago tuluyang makabangon ang kanilang lugar dahil sa mga inaasahang bagyo sa mga susunod na buwan.

"September pa lang tayo ngayon. Hanggang November umuulan so ine-expect natin this time, mas malaki ang aabutin ng baha ngayon," aniya.

Nagbukas na umano ang lokal na pamahalaan ng maraming evacuation center.

Hamon aniya sa mga evacuation center ang mga naka-home quarantine para sa COVID-19 dahil hindi sila puwedeng isama sa paglikas.

Kahit gumanda na ang panahon sa Biñan nitong Huwebes, hindi pa rin tapos ang kalbaryo ng mga residente dahil sa mga naiwang burak at putik sa mga kalye at loob ng bahay.

Ayon sa residenteng si Chito Esuriña, hindi pa rin siya ganap na naglilinis ng kanilang lugar dahil matapos ang Jolina, nariyan din ang banta ng Bagyong Kiko.

— May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.