Watchman tiklo sa pagbebenta ng armas sa Lanao del Norte

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2020 01:32 AM

Kuha ng NBI-Lanao del Norte

MARANDING, Lanao del Norte - Nahuli ang isang lalaking nagbebenta ng mga armas sa bayan ng Maranding, Lanao del Norte nitong Martes.

Ayon sa National Bureau of Investigation-Lanao del Norte, inaresto nila ang suspek sa labas ng isang fastfood chain sa bayan matapos magbenta sa kanila ng armalite, .45 caliber na baril, at mga bala.

Sa kabila ng paghihigpit ng mga awtoridad sa checkpoints, naipuslit ng lalaki ang mga armas na kaniyang kinalas at isinilid sa isang gym bag.

Ayon sa NBI, watchman sa isang construction company ang suspek pero kilala itong nagbebenta ng armas. 

Inamin ng suspek na kaniya ang kalibre .45 na baril at ipinabenta lang sa kaniya ang armalite, kung saan P6,000 ang kaniyang porsyento. 

Inamin rin niyang nakapagbenta siya ng tatlo pang armas bago nakatransaksyon ang NBI. Kailangan raw niya ng pera para sa online class ng anak bukod sa gusto niyang maghanda sa kaarawan niya.

"Yung baril ko ibinenta ko kasi birthday ko ngayon, tsaka 'yung anak ko humingi ng laptop na gagamitin nya sa pag-aaral," aniya.

Ayon naman sa NBI, nagbenta rin ang suspek sa kanila ng mga high-powered firearms na tanging mga militar lang sana ang pinahihintulutang gumamit.

"Nagu-sap tayo through sa social media. Nag-offer siya ng iba-ibang klaseng baril. Pinakita sa atin 'yung pictures ng mga available na baril niya tulad ng M203, AK47, mga Glock short firearms," ani NBI Lanao Norte chief Abdul Jamal Dimaporo. 

Kakasuhan ang suspek ng paglabag ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.