PatrolPH

Mga transpinay ipinagluluksa ang Pemberton pardon: 'Hindi talaga fair'

MJ Felipe, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2020 07:32 PM

MANILA — Naglabas ng sama ng loob ang LGBTQ community, partikular ang mga transgender, sa absolute pardon na iginawad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Amerikanong sundalo na pumatay sa transpinay na si Jennifer Laude. 

Nabulaga ang marami sa desisyon ni Duterte noong Lunes na i-pardon si US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton lalo't gumugulong pa ang proseso ng korte kung dapat ba itong mapalaya dahil sa good conduct credits. 

Para kay Iyah Mina, transpinay actress, malaking dagok ito sa kanilang komunidad. 

"Nakaka-sad sa kapatid natin na si Jennifer Laude at ang buong trans community ay nagwawala sa social media kasi kagulat-gulat at hindi fair, hindi talaga fair," giit ng aktres.

Ang dating Miss Q&A finalist na si Matmat Centeno, hindi rin matanggap ang pardon para kay Pemberton. 

"Buti kung kinurot mo lang 'yun o sinampal, mawawala 'yung maga niyan, pero mababalik mo ba 'yung buhay? Buhay 'yun, hindi ka Diyos para kumuha nu'n," ani Centeno.

Pati ang ilang grupo, maraming katanungan sa biglaang desisyon ni Duterte.

"Bakit pag foreigner ambilis mag-apply ng GCTA, pero pag Pinoy ang tagal?" ani Santy Asperin Layno, board of trustee ng Ladlad party-list.

Ang celebrity impersonator na si KaladKaren, hindi maiwasang magtaka.

"Hustisya mula sa sariling bansa ang inaasahan ni Jennifer pero bakit daw parang mas pinaboran pa ang iba?"

Oktubre 2014 nang matagpuan ang bangkay ni Laude sa loob ng isang inn sa Olongapo City.

Karumaldumal ang tumambad na eksena sa mga imbestigador. Anila, inginudngod ng suspek ang ulo ni Laude sa inidoro.

Kalaunan, nalaman na asphyxiation o sakal hangga't malagutan ng hininga ang cause of death ng Pinay transgender woman.

Isang taon makalipas nito, sinentensiyahan si Pemberton sa pagpatay kay Laude. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.