Mga tindahan ng tela sa Divi sinalakay dahil sa reklamo ng Louis Vuitton

Niko Baua, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2020 06:01 PM

Ibinebenta umano ang mga tela nang P150 kada kilo sa mga mananahi, na siya namang gumagawa ng mala-LV face mask. Screengrab


MAYNILA — Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkoles ang ilang tindahan ng tela sa Divisoria, Maynila dahil sa reklamo ng French luxury brand na Louis Vuitton (LV). 

Pinasok ng NBI Intellectual Property Rights (IPR) Division ang mga establisimyento matapos umanong matuklasang nagbebenta sila ng mga telang may imprenta ng tanyag na LV monogram at logo. 

Ibinebenta umano ang mga tela nang P150 kada kilo sa mga mananahi, na siya namang gumagawa ng mala-LV face mask.

"Pumunta rito 'yung representative ng LV na based sa Hong Kong. Nagrereklamo sila na 'yung logo nila ginagamit sa paggawa ng face mask kasi ito ang naging trend," ani Glenn Ricarte, hepe ng NBI-IPR. 

Suot pa ng tindera na si Marichu Guinoo ang face mask na may logo ng LV nang lumusob ang NBI. Screengrab

Suot pa ng tindera na si Marichu Guinoo ang face mask na may logo ng LV nang lumusob ang NBI. Aminado siyang mabenta ang naturang mask na P20 bawat piraso. 

"Mabenta siya nu'ng umpisa. Siyempre gusto rin namin kumita, ginaya namin," aniya.

Kahit sa mga vendor, kalat ang mga pekeng mask. 

Ayon sa NBI, nilinaw daw ng LV na wala silang binebentang mask sa Pilipinas.

"Gusto nilang hindi gamitin ang logo nila dahil pinangangalagaan nila ito... Kung hindi naman kayo awtorisado magtinda huwag na kayo magbenta," ani Ricarte.

Nasa 13 stall ang nadiskubreng nagbebenta ng naturang tela na kinumpiska naman ng NBI. 

Kakasuhan ang mga may-ari ng mga tindahan ng trademark infringement, kung saan posible silang makulong nang 2 hanggang 5 taon, bukod pa sa multa.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.