PatrolPH

Local manufacturers bibigyang prayoridad ng gobyerno sa pagkuha ng PPE

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2020 04:02 PM | Updated as of Sep 09 2020 07:47 PM

MAYNILA (UPDATE) - Bibigyang prayoridad ng gobyerno ang mga lokal na manufacturer ng personal protective equipment (PPE) sa pag-procure o pagbili nila ng mga nasabing kagamitan, sabi ngayong Miyerkoles ng Department of Health (DOH).

Sa isang online briefing, sinabi ni DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) para sa mga PPE.

"Nakausap natin sila at nakapag-commit sila to produce and help government in the local production of PPEs," ani Vergeire.

Nakikipag-usap na rin umano ang Department of Trade and Industry sa ibang supplier ng PPE.

Sa ilalim ng panukalang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), dapat bigyang prayoridad ang mga lokal na PPE manufacturer pagdating sa pagbibigay ng PPE sa mga frontliner.

"With the start of implementation of Bayanihan 2, we will be able to encourage our local suppliers of PPEs to provide for government," ani Vergeire.

Inaasahang pipirmahan ni Pangulong Duterte ang Bayanihan 2 sa susunod na linggo, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Natuwa naman ang Confederation of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) sa panukala sa ilalim ng Bayanihan 2.

Pero ayon kay CPMP Chairman Clement Yang, kung walang suporta, mahihirapan ang mga maliliit na negosyanteng tapatan ang PPE mula China na bagsak-presyo.

Mas marami rin ang kailangang bayarang buwis ng mga lokal na manufacturer kung gusto nilang sa Pilipinas ibenta ang produkto nila.

"All the goods, majority of the goods import from ASEAN countries like Myanmar, like Thailand, can you imagine, is duty-free? And then, if you are a local manufacturer... you sell your service domestically, interesting, you have to pay duty," ani Yang.

Ayon sa mga gumagawa ng PPE, nahinto ang order sa kanila nang bumuhos sa Pilipinas ang supply ng mga PPE galing China.

Bagsak-presyo kasi umano ang mga imported na PPE.

Kung P600 ang isang pirasong PPE na gawang Pinoy, P200 lang ang galing China. -- Ulat nina Chiara Zambrano at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.