PatrolPH

Late enrollment papayagan hanggang Nobyembre: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2020 04:53 PM

MAYNILA - Inihayag ngayong Miyerkoles ng Department of Education na maaari pang humabol sa enrollment ang mga estudyante sa public schools hanggang Nobyembre.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, puwedeng humabol sa enrollment ang bata kahit magsimula na ang klase sa Oktubre 5 basta makapasok ito sa 80 porsiyento ng required na school days.

"Puwede naman silang humabol kasi mayroon tayong policy of late enrollment, which we allow for as long as maka-attend ang bata ng 80 percent of the equivalent of class days," ani Briones sa isang virtual press briefing.

"Ginagawa na 'yon before COVID pa," dagdag niya.

Sa tala ngayong Miyerkoles, umabot na sa 24.3 milyon ang bilang ng mga enrolled na estudyante sa mga pribado at pampublikong paaralan, at sa Alternative Learning System.

Ang naturang bilang ay 87.82 porsiyento ng kabuuang bilang ng enrolled students noong nakaraang taon.

"Ang target lang natin noon ay 80 percent ng enrollment... lumampas na tayo sa goal natin," ani Briones.

Ayon pa kay Briones, tumigil na rin ang paglipat ng private school students sa public schools.

— Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.