2 lalaki arestado sa panghahablot umano ng cellphone sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2020 12:10 PM

Hindi na nagbigay ng pahayag ang dalawang suspek na nanghablot ng cellphone ng isang babaeng nag-aabang sa kanto ng Legarda St. sa Sampaloc, Maynila. ABS-CBN News

MAYNILA - Naaresto ang dalawang lalaki matapos mang-holdap umano ng isang 29 anyos na babae sa Barangay 412, sa Sampaloc Maynila, umaga ng Martes. 

Batay sa kuha ng CCTV, nakatayo sa Legarda St. ang biktimang si Eleanora Rose Torrente habang hinihintay ang mga magulang na maghahatid ng pagkain niya. 

Dahil kailangan silang ma-contact, hawak niya ang kaniyang smartphone. 

Nakunan din sa CCTV ang motorsiklong nakatigil sa Manrique St - na hindi kalayuan mula sa kinatatayuan ng biktima. 

Makalipas ang ilang minuto ay lumapit sa kaniya ang motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki, at nagdeklara naman ng "holdap" ang isa pang lalaki. 

"Hinawakan yung kamay ko, hawak ko yung phone ko. Sinabi na "holdap ito. After noon nakipagagawan ako tapos binantaan na niya ako na papatayin ako tapos akmang bubunot kaya natakot ako kaya binigay ko na phone ko,” ani Torrente. 

Umangkas sa motorsiklo ang lalaking kumuha ng cellphone at humarurot na palayo. 

Agad na natukoy ang kinaroroonan ng mga suspek sa Sampaloc, sa tulong ng GPS, ayon kay Lacson PCP Commander Police Capt. Val Valencia. 

Naibalik sa biktima ang kaniyang smartphone na aabot sa P8,000 ang halaga. 

Paalala ng mga pulis na iwasang ilabas sa pampublikong lugar ang cellphone. 

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga suspek na kakasuhan ng reklamong robbery hold up. 

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.