Teenager patay sa atake ng buwaya sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 05:05 PM

Natagpuan ngayong Lunes ang bangkay ng isang teenager na inatake ng buwaya sa Balabac, Palawan, ayon sa pulisya.

Bandang ala-1 ng hapon nahanap ang bangkay ni Romilo Miranda, 15, sa mangrove area na sinasabing pinamamahayan ng mga buwaya sa may Barangay Malaking Ilog.

Nangingisda sa Miranda kasama ang 3 kaanak noong gabi ng Linggo sa Sitio Bual, Barangay Indalawan nang atakihin ng buwaya ang teenager, ayon kay Police Lt. Dandy Ferriol.

Napansin ng mga kaanak na lumulutang ang flashlight ni Miranda sa tubig. Kalaunan ay nakita nila ang buwaya na nakakagat sa leeg ng biktima habang dinadala ito sa malalim na bahagi ng dagat.

Ayon kay Jovic Fabello, spokesperson ng Palawan Council for Sustainable Development, paulit-ulit nilang binabalaan ang mga residente ukol sa mga lugar na dapat iwasan dahil maaaring pinupuntahan ng mga delikadong buwaya.

Ito ang ikatlong beses ng pag-atake ng buwaya ngayong taon sa lugar.

Iminungkahi na ring gawing crocodile sanctuary ang ilang barangay sa bayan.

-- Ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.