'Sex den' sa Iloilo Terminal Market, giniba

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 10:27 PM

ILOILO CITY - Giniba ng mga miyembro ng Local Economic Enterprise Office ng Iloilo Terminal Market ang ilang istrukturang ginagamit umanong sex den ng mga menor de edad na namamalagi sa palengke sa Iloilo City.

Ayon kay Ariel Castañeda, opisyal ng LEEO, nagsagawa sila ng inspeksiyon sa palengke nitong Lunes.

Nilinis nila ang mga kiosk at giniba ang mga istrukturang dapat ay tulugan ng mga tindero sa palengke ngunit ginagamit umanong sex den.

Nanawagan si Barangay Chairman Woody Delariarte sa mga tindero na maging mapagmasid sa mga hindi kilalang mga taong namamalagi sa palengke lalo na kapag gabi para mapangalagaan ang kanilang mga paninda, at para na rin maiwasan ang mga malalaswang gawain sa lugar.

Dagdag pa ng LEEO, isasara nila ang gate ng palengke sa gabi para hindi makapasok ang mga menor de edad lalo na sa oras ng curfew.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.