Panelo: Pamilya Chiong, dapat pagkatiwalaan si Duterte ukol kay Faeldon

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 08:52 PM

MAYNILA - Pinayuhan ng Malacañang ang pamilya Chiong na makinig at magtiwala kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pagtingin sa karakter ni dating Bureau of Corrections chief Nicanor Faeldon.

Matatandaang nagpahayag ng pagkadismaya si Thelma Chiong matapos sabihin ni Duterte sa isang talumpati na naniniwala pa rin siya kay Faeldon.

"The president knows Mr. Faeldon personally, and there had been experience in the past that they gave him the trust to him remaining until now," paliwanag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo.

Dagdag pa ni Panelo, dapat makinig ang mga Chiong sa pagdinig ng Senado para maintindihan nila na ang korapsyon sa loob ng BuCor.

Tapat na tao rin umano si Faeldon kaya't patuloy pa rin siyang pinagkakatiwalaan ng pangulo.

Maliban na lamang umano kung may mangyari pang makakapagbago sa pananaw ng pangulo.

Maaari ring kagaya sa nangyari sa Bureau of Customs, nalusutan si Faeldon sa BuCor.

"Kumbaga parang sa Customs, napalusutan siya na naman. Eh, mahihirapan din naman kasi kung ‘yung mga tao dun ever since, panahon pa ng ilang administrasyon dati na nilang ginagawa ‘yun," paliwanag ni Panelo.

Sa kabila naman ng pahayag na ito, naniniwala naman si Panelo na walang epekto ang kumpiyansa ng Palasyo kay Faeldon sa kalalabasan ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman gayong kilala ang reputasyon ni Ombudsman Samuel Martires na hindi naiimpluwensyahan o napipilit.