Panelo, irerekomendang ipaputol ang signal sa loob ng Bilibid

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 05:15 PM

MAYNILA - Madali ang nakikitang solusyon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa problema sa mga ilegal na transaksyon sa loob ng New Bilibid Prison.

Irerekomenda aniya niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipaputol na lang sa telecommuncations providers ang signal ng komunikasyon sa loob ng piitan sa buong taon.

Dagdag pa niya, posible naman ito kung may batas na magmamandato sa telcos para dito.

Pagdating naman sa korapsyon, tiniyak ni Panelo na hindi palalagpasin ng administrasyon ang mga sangkot dito.

Kakasuhan aniya sila at posibleng magutos ng revamp o balasahan si Duterte sa Bureau of Corrections (BuCor).

Samantala, pabor rin si Panelo na tanggalin na ang batas para sa good conduct time allowance.

Dahil aniya kasi dito kaya nagkakaroon ng puwang sa korapsyon sa loob ng BuCor.

"Kung ano ipatawag sa Senate at tanungin ano solusyon mo, simple lang solusyon diyan, kung ano ang sentence ng court, minimum or maximum, iyon lang, regardless of good conduct or bad conduct," ani Panelo.

Gayunpaman, sinabi ni Panelo na lilinawin muna niya kay Duterte kung ito rin ba ang kaniyang posisyon sa isyu.