Babaeng suicide bomber nasa likod ng Sulu blast: Wesmincom

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 06:19 PM | Updated as of Sep 09 2019 08:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Isang babaeng suicide bomber na mistulang lahing Caucasian ang sinisisi sa pagpapasabog sa isang military checkpoint sa Indanan, Sulu noong Linggo.

Unang namataan ng tropa ng militar ang babae mula sa Kilometer 4 sa kalsadang papunta ng Indanan town proper, sabi ngayong Lunes ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command (Wesmincom) ng Armed Forces of the Philippines.

Naghinala raw ang mga sundalo sa kilos ng babae kaya sinubukan nila itong harangin sa checkpoint sa Kilometer 3.

Patuloy na naglakad ang babae bagaman pinigilan siya ng isang sundalo, ayon sa kuwento ni Sobejana. Doon umano napuna na may umbok ng bomba sa ilalim ng damit ng babae.

Sinigaw ng isang sundalo sa mga kasamahan na may suicide bomber kaya nakadapa ang mga tropa at ang babae lang ang namatay.

Narinig umano ang babae na sumigaw ng "Allahu Akbar" bago ang pagsabog, ayon kay Sobejana.

Nakuha sa blast site ang mga bahagi ng katawan ng babae, na isasailalim sa DNA test para matukoy ang pagkakakilanlan nito, ani Sobejana.

Naniniwala umano ang militar na miyembro ang babae ng grupo ni Abu Sayyaf leader Hajan Sawadjaan.

Ayon pa kay Sobejana, may 7 foreign terrorist na nasa Western at Central Mindanao.

Ito na ang ikaapat na insidente ng suicide bombing sa Pilipinas mula noong 2018. Ang una ay isinagawa ng isang Moroccan sa Lamitan, Basilan, na ikinasawi ng 10 tao.

Sinundan ito ng Jolo Cathedral bombing noong Enero na isinagawa ng 2 banyagang terorista at ikinasawi ng 22 tao.

Walong tao naman ang nasawi sa pagsabog sa Indanan noong Hunyo.

-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.