2 kalaboso matapos mahuling nagtatalik sa Iloilo River Esplanade

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 10:30 PM

ILOILO CITY - Kasalukuyang nakakulong sa istasyon ng pulis ang isang babae at lalaking nahuling nagtatalik sa Iloilo River Esplanade noong Sabado ng gabi sa Iloilo City.

Ayon sa pulisya, natagpuang nagtatalik si alyas "Ferdie," isang pedicab driver, at si alyas "Ai-Ai" sa damuhang bahagi ng Iloilo River Esplanade.

Aminado si Ferdie na nagtatalik sila sa lugar. Hindi naman niya maipaliwanag kung paano sila umabot sa lugar para magtalik.

Mula sa Molo, Iloilo City si Ferdie habang madalas umano sa Iloilo Terminal Market si Ai-Ai. Dagdag pa ni Ferdie, sumama sa kaniya ang babae matapos bigyan ng P200.

Mananatiling nakakulong ang dalawa habang hindi pa nakakapagbigay ng P3,000 piyansa para sa kasong grave scandal.

Kilala ang Iloilo River Esplanade na puntahan ng mga nagjo-jogging at nag-eehersisyo.

Noong 2018, nakatanggap ang lokal na pamahalaan ng Iloilo City ng commemorative plaque para sa Haligi ng Dangal Award for Best Landscape Architecture dahil sa disenyo ng Iloilo River Esplanade.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.