10 arestado sa droga sa Navotas

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 08:28 AM | Updated as of Sep 09 2018 08:49 AM

MANILA - Inaresto ng pulisya ang 10 sa magkakasabay na operasyon kontra droga at kriminalidad sa Navotas.

Unang naaresto ang pamilya ni alyas Ogong sa buy-bust operation sa Brgy. NBBS.

Isang text message umano mula sa isang concerned citizen ang natanggap ng Navotas Police tungkol sa pagbebenta ng ilegal na droga ng pamilya ni Ogong kaya't nagkasa ng buy-bust ang pulisya.

Nakabili umano ang police poser buyer ng shabu mula sa asawa ni Ogong.

Dinala sa presinto ang mag-asawa at isang anak na babae nila.

Huli rin sa akto na nagsa-shabu ang 5 na tao sa isang bahay na ginagawang drug den sa Brgy. NBBS, Market 3.

Arestado naman ang dalawang lalaki sa Brgy. San Roque na umano'y nahulihan ng shabu.

Tinatayang P140,000 ang street value ng mga nakumpiskang shabu sa magkakasabay na operasyon ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.