Punong barangay nahulihan ng mga granada, bala sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 02:10 AM

Nakumpiska ang ilang granada at bala mula sa isang punong barangay sa Ilocos Norte nitong Sabado. ABS-CBN News

Arestado ang isang punong barangay sa bayan ng Pinili, Ilocos Norte matapos marekober sa kaniya ang ilang granada at bala ng baril nitong Sabado ng umaga.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng pulisya ang bahay ni Barangay Sacritan chairman Leonardo Espiritu, 50.

Nakuha mula sa kaniyang bahay ang isang hand grenade, isang rifle grenade, isang magazine ng caliber 5.56 na may lamang 20 bala, bulletproof vest, at patalim.

Bukod sa mga ito, narekober din sa kaniyang sari-sari store ang isa pang rifle grenade at nagkalat din ang mga kapsula ng iba’t ibang klase ng baril sa paligid ng kaniyang bahay.

Lahat ng mga ito ay itinanggi niyang sa kaniya.

Ayon kay Chief Insp. Rogelio Remiendo, hepe ng Pinili Police Station, sangkot umano si Espiritu sa isang insidente ng pagpatay ilang taon na ang nakakaraan.

Tinanggi ito ng punong barangay.

“May nakarating sa ating information na itong si kapitan ay may previous murder case na allegedly na siya ‘yung bumaril sa kapatid niya at pinaghihinalaan din na siya ‘yung bumaril. I don’t know how true is that kaya iba-validate natin du'n sa asawa ng kapatid niya, ‘yung hipag niya,” ani Remiendo.

Huling termino na ni Espiritu bilang kapitan ng Barangay Sacritan.

Dagdag pa ng pulisya, kasama ring haharap sa kasong illegal possession of explosives ang caretaker ng sari-sari store na si Alden Vergara, chairman ng Sangguniang Kabataan at pamangkin ng chairman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.