Ilang mga bahay at imprastruktura sa Davao Oriental, nasira dahil sa lindol

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 10:40 PM

Ilang mga bahay at imprastruktura ang nasira dahil sa malakas na lindol na tumama sa lalawigan ng Davao Oriental Sabado ng hapon.

Lima na bahay ang nagiba sa Barangay Magsaysay, Mati, Davao Oriental sa kasagsagan ng lindol.

Isa ang totally damaged na pinagmamay-ari ng 33-taong gulang na si Gelain Tashim. Ayon sa kaniya, nanonood lamang sila ng telebisyon kasama ng kaniyang mga anak nang yumanig na lang bigla ang kanilang bahay at lumakas ang galaw ng dagat.

"Ang style sa paglinog sa amoa ba kay murag gina-dribble among mga balay tapos mag shake bantug nanglangkat among balay," aniya.

(Ang istilo sa pagyanig ay parang din-ribble ang aming bahay kaya gumuho ito.)

Apat naman ang naiulat na partially damaged houses.

Ayon sa Mati City Disaster Risk Reduction Management Office (Mati-CDRRMO), wala silang naitalang mga casualties at sugatan sa nangyaring lindol.

Sa Tarragona, Davao Oriental naman, nabiyak ang mga pader ng San Pedro Claver Parish dahil sa lakas ng lindol. Kitang-kita ang mga sementong nahulog sa bandang harapan ng simbahan.

Ayon sa parish priest na si Fr. Edilberto Mahinay, tinututukan nila ang posibilidad ng mga afterschocks.

Moderate landslide naman ang naganap sa Manay, Davao Oriental, ang epicenter ng lindol.

Ayon sa provincial government, may nakalaan silang buffer stocks ng mga pagkain at gamot na handang sumuporta sa mga residente.

Walang inilabas na tsunami alerts ang mga awtoridad, pero patuloy ang kanilang paghahanda sa mga ganitong klase na sakuna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.