Halos 1,000 tauhan, kailangan ng Bureau of Corrections

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 06:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May halos 1,000 bakanteng posisyon sa Bureau of Corrections (BuCor) ang target mapunan ng ahensiya bago matapos ang taon.

Ayon kay Senior Inspector Eusebio Del Rosario, pinuno ng public information office ng BuCor, ang pagdagdag nila ng mga tauhan ay bahagi ng kanilang modernization program.

Nangangailangan ang BuCor ng 630 corrections officer.

Nasa 90 naman ang kailangang corrections technical officers na mangangasiwa sa mga reformation program o programang layong baguhin ang mga presong nasa loob ng bilibid.

Ilan pa sa mga hinahanap ng BuCor ang mga lisensiyadong guro, pari, pastor, sociologist, social worker, inhenyero, abogado at iba pa.

May 260 civilian positions din na iniaalok ang ahensiya para sa iba-ibang uri ng trabaho sa kanilang mga administratibong opisina.

Kailangan din ng New Bilibid Prison Hospital ng mga doktor o general physician, nurse, at medical technologist.

Ang mga inaalok na entry-level position ay regular item at may starting salary na P29,668 kada buwan.

Maaaring mag-aplay ang may edad 21 hanggang 40 anyos, nagtapos ng apat na taong kurso, pasok sa height requirement at may second-level civil service o katumbas na eligibility.

Kailangan ding maipasa ang qualifying, physical, at medical exams.

Ayon kay Del Rosario, sasailalim ang mga matatanggap sa anim na buwang pagsasanay. 

Para sa mga interesado, maaaring mag-aplay sa tanggapan ng BuCor sa Muntinlupa City, o sa mga prison at penal farm sa bansa. --Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.