ALAMIN: Diskarte ng ilang taxi driver laban sa taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 06:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaaray ang ilang taxi driver dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin na sasabayan pa ng nakaambang dagdag-singil sa petrolyo sa susunod na linggo. 

Ayon sa kanila, dagdag-pasakit ang taas-presyo lalo para sa mga hindi pa napapa-recalibrate ang kanilang mga metro sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sumalamin sa bagong pasahe.

Kuwento ng taxi driver na si Michael Lapay, hindi siya nakakauwi ng bahay hangga't hindi sapat ang iuuwi niya.

"Sa gas lang napunta iyong kita namin," ani Lapay.

Sa ilalim ng bagong fare scheme, na inaprubahan noong nakaraang taon, may dagdag na P13.50 kada kilometrong biyahe bukod pa sa P40 flag down rate. Mayroon ding P2 kada minutong travel time charge.

Upang makaagapay sa taas-presyo, may mga taxi driver gaya ni Robert Mallari na dinoble ang raket at pumasada na rin sa isang transport network company.

Pero may ilang taxi driver ang pinili nang iniwanan ang pagta-taxi at lumipat sa mga transport network company, gaya ni Norberto Magdanong Jr.

Kuwento niya, kung P400 ang kita niya sa taxi noon, nakapag-uuwi na siya ng P700 ngayon.

Nasa P0.60 hanggang P0.70 naman ang tantiyang dagdag-singil sa presyo ng kada litro ng diesel, gasolina at kerosene simula Martes.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.