88 drug surrenderers, nagtapos sa 2-buwan reformation program

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 06:37 PM | Updated as of Sep 09 2018 06:38 PM

SAN SIMON, Pampanga -- Dinaluhan ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang pagtatapos ng 88 drug surrenderers ng dalawang-buwang reformation program sa bayang ito Linggo.

Aminado ang mga nagtapos na nag-iba ang pananaw nila sa buhay matapos ang programa.

Ayon kay Gian Carlo Simbulan, nahirapan siya sa simula.

"Siyempre po sa una mahirap po, but then matututunan, a-adjust din po 'yun. At sa taas po, pananampalataya," aniya.

Ikinatuwa rin ng inang si Cristina Santos ang nakitang pagbabago sa kaniyang anak.

"Talagang nagbago na siya. Sana, sana po 'no. Maaga ang Pasko sa akin, sana tuloy-tuloy," aniya.

Isa si Albayalde sa mga dumalo sa mahalagang okasyong ito para sa mga drug reformists.

"Sila ang magiging inspirasyon para itong mga gumagamit na ito ay magbagong buhay. Hindi po totoo na kapag ikaw ay gumagamit ng iligal na droga at ikaw ay na-rehab, ay hindi ka na mari-reintegrate sa society na parang ikaw ay made-descriminate," ani Albayalde.

Inaasahan namang magpapatuloy pa ang mga reformation programs sa buong bansa sa tulong na rin ng mga lokal at religious groups.