Shabu isinilid sa marker; suspek timbog

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2017 03:58 PM

LAOAG CITY – Tinatayang limang sachet ng hinihinalang shabu ang nadiskubre ng awtoridad sa loob ng isang marker o panulat na dala ng isang lalaki nang mahuli sa buy-bust operation nitong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Ryan Rabang, 30, na nasa drug watchlist. Naaresto si Rabang sa Barangay 19 kung saan nakuha sa kaniya ang isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000 na ibinebenta niya umano sa isang police poseur-buyer.

Bukod dito, narekober din sa kaniya ang limang sachet ng shabu at isa pang sachet na mayroon ding residue o tira ng shabu na nakasilid sa basyo ng isang kulay asul na permanent marker. 

Ayon sa hepe na si Supt. Edwin Balles, ang pagsisilid ni Rabang ng shabu sa marker ay maaaring estilo niya sa pagbebenta.

“May mga modus na tayong inaral na kung hindi ilagay sa pack ng sigarilyo, minsan siniksik sa loob mismo ng cigarette at dudugtungan ng laman na tabako or ‘yung normal na laman ng isang sigarilyo," aniya.

"Gumagawa din sila ng development sa kanilang pagtatago. So ‘yung nakita natin, iko-connect mo lang kung bakit siya may dala-dalang Pentel pen, so maiisip mo, pwede mo namang buksan,” ani Balles.

Mahigit isang oras naman matapos mahuli si Rabang, ikinasa ang isa pang buy-bust operation laban kay Kristopher Ruiz, 33, sa compound ng bodega kung saan siya nagta-trabaho bilang tagabili ng mga gamit o piyesa ng mga sasakyan ng isang contractor.

Nakuha kay Ruiz ang isang sachet ng shabu na kaniyang ibinenta sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakita rin sa kaniyang dalang sling bag ang limang sachet ng shabu at ilang drug paraphernalia tulad ng improvised glass tube, tooter, gunting, disposable lighters, at marami pang iba. 

Nakuha rin sa kaniya ang tatlong cellphones na hinihinalang ginagamit niya sa kaniyang mga transaksiyon.

Limitado naman ang sagot ng dalawang suspek. Tanging paliwanag nila ay hindi sa kanila ang mga nakuhang ebidensiya. 

Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.