Diocese ng Cabanatuan kinondena ang pagpatay kay ‘Kulot’

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2017 04:31 PM | Updated as of Sep 09 2017 05:14 PM

Kinondena ng Diocese ng Cabanatuan ang karumal-dumal na pagpaslang sa 14-anyos na lalaki na nakita ang bangkay sa isang sapa sa Gapan, Nueva Ecija nitong Martes.

Ayon kay Obispo Sofronio Bancud, responsibilidad ng taumbayan na manindigan laban sa kasamaan at karahasang nangyayari sa lipunan, lalo na ang extrajudicial killings.

"Bilang isang Diocesis masidhi nating tinututulan ang anumang marahas na pagpatay sa sinumang tao lalo na ang pagpatay sa mga inosente," ani Obispo Bancud.

Ang naturang pahayag ay inilabas nitong Biyernes sa okasyon ng kaarawan ng Mahal na Birheng Maria, dalawang araw makaraan din na matagpuan sa sapa sa isang barangay sa Gapan ang bangkay ni Reynaldo de Guzman, o kilala sa palayaw na "Kulot."

Puno ng saksak ang bata at nakabalot pa ng tape ang mukha nito nang itapon ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Halos tatlong linggo ang lumipas bago natagpuan ang bangkay ni De Guzman, na nawala matapos umalis sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal noong Agosto 17, kasama si Carl Angelo Arnaiz. 

Si Arnaiz ay natagpuan namang patay 10 araw mula nang umalis sa bahay. Napatay siya ng mga pulis matapos umano ito mang-holdap ng isang taxi driver sa Caloocan City. 

Duda naman ang Public Attorney's Office sa pagkakabaril sa bata dahil sa resulta ng forensic analysis na maaari itong pinahirapan at binaril habang nakabulagta na.

Ang kanilang pagkamatay ay nangyari matapos lamang ang pamamaril kay Kian Loyd Delos Santos, 17, sa isang drug operation sa Caloocan City noong Aug. 16. 

May kinalaman umano si Delos Santos sa ilegal na droga ayon sa pulisya, ngunit mariin itong itinanggi ng kaniyang pamilya. May ebidensiya rin na maaari itong pinaslang ng walang kalaban-laban. 

"Ang pagpatay sa isang 14 na taong gulang na si Reynaldo de Guzman... at sa iba pang mga menor de edad na nasasangkot umano sa droga ay gumising nawa sa mga mabubuting budhi ng bawat miyembro ng lipunan," sabi ni Obispo Bancud.

Hiling ng obispo na magkaroon ng matalino at maka-Kristiyanong panunuri sa mga pangyayari sa paligid.

"Manindigan tayo para sa totoong mabuti at makatutulong sa pag-unlad ng ating lipunan. At iwaksi natin ang mga karahasang sumisira sa daan ng kapayapaan at kaayusan sa ating bansa," hiling niya.

Hinimok naman ng obispo na mag-alay ng panalangin para sa lahat ng naging biktima ng karahasan at pagpatay nang makamit ang katotohanan at katarungan.

"Ipanalangin din natin ang mga nagpapatupad ng ating batas upang kanilang tahakin ang landas ng pag-ibig at kapayapaan sa pagtupad ng kanilang tungkulin," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.