Dumayo ang mga deboto sa Baclaran Church para gunitain ang pista ng pagsilang ng Birheng Maria ngayong Miyerkoles. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
MAYNILA - Sa kabila ng maulang panahon, hindi pinalagpas ng mga deboto na dumayo sa Baclaran Church para gunitain ang pista ng pagsilang ng Birheng Maria ngayong Miyerkoles.
Ang simbahan sa Parañaque ay dambana ng Ina ng Laging Saklolo.
Kaya kahit wala pa ring physical gathering at patuloy ang pag-ulang dala ng Bagyong Jolina, marami pa rin ang nag-abang sa labas ng simbahan sa oras ng unang misa ng alas-5:30 ng umaga.
May misa rin ng alas-9:30 sa umaga at alas-3 at alas-5 ng hapon tuwing Miyerkules.
Sinamantala naman ng iba na makapag-alay ng panalangin sa loob sa mga oras na binubuksan ang simbahan sa mga papasok.
Galing pa sa malalayong lugar ang ilan, tulad ng seaman na si John Jay Tumala na kasama ang kamag-anak na pumunta mula Muntinlupa.
Kauuwi lang niya sa Pilipinas mula sa 9 na buwang destino sa tanker.
"Tradition po kasi kada umuuwi o kada umaalis, sasampa ng barko, bumibisita kami rito," sabi ni Tumala.
"Parang ayaw nang umalis ni mama kasi maulan, iniisip na lang namin sinusubukan kami ni Mama Mary kung itutuloy namin o hindi. Iyon, pinilit namin ni mama na pumunta. Pananampalataya na lang din ito.
Galing Valenzuela naman ang pamilya ni Marilyn Calamba.
Aniya, panata pa rin nila ang makapagsimba ng Miyerkules anuman ang panahon.
"Pista nga ni Mama Mary, kaya pumunta kami kahit maulan. Gabi pa lang nag-ano na kami na madaling-araw pupunta kami rito. Kaso lang, inabot ng tanghalian dahil naisip namin baka magbaha," sabi niya.
Hindi katulad ng ilang mga simbahan sa Metro Manila na napakambiyo sa desisyon ng gobyernong hindi ituloy ang General Community Quarantine ngayong araw, walang inanunsyong pagbabago ang Baclaran Church sa kalakaran nito ng online masses at pagpapasok ng mga nananalangin.
Bukod sa mga nagsisimba, hindi rin nawala ang mga nagtitinda ng sampaguita at ibang vendors na nasa labas ng gate.
Patuloy pa rin ang pagpapatupad ng health protocols sa mga papasok ng simbahan.
Nakabantay rin ang Parañaque pulis sa sitwasyon at nagpapaalala sa nagkukumpol-kumpol na tao.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, Baclaran Church, JolinaPH, Feast of the Nativity of the Blessed Virgin Mary, Mama Mary