Halos 100 inilikas sa Lobo, Batangas dahil sa baha dulot ng Bagyong Jolina

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2021 02:31 PM

Larawan mula kay Hesley Duane Dayao Tolentino
Larawan mula kay Hesley Duane Dayao Tolentino

LOBO, Batangas - Halos 100 residente ang inilikas sa bayan ng Lobo sa Batangas dahil sa bahang dulot ng Bagyong Jolina.

Umapaw ang ilog sa bayan, partikular ang Lobo River, dahil walang tigil ang buhos ng ulan.

Ilan sa mga apektado ng pagbaha ay ang mga Barangay ng Lagadlarin, Nagtalongtong, Tayuman, Olo-Olo, Sawang, Soloc, Malabrigo at Fabrica, ayon sa local disaster office.

Nagsimula ang matinding ulan alas-10 ng gabi Martes hanggang Miyerkoles ng umaga, ayon kay Enrico Hosmillo, hepe ng MDRRMO-Lobo.

"'Yun kasing ilog po talaga, bumaha 'yan ng malaki, ngayon po magdamag 'yung ulan niya kaya malaki na, nag-evacuate na 'yung mga tao tapos 'yung kalsada, mga spillway hindi pa matawiran ngayon kasi tumaas din po 'yung tubig sa kalsada," aniya.

Hindi maaaring daanan ang ilang daan, gaya ng San Miguel Batangas Road na sakop ng Barangay Malapad na Parang dahil sa mga gumuhong lupa. 

Walang suplay ng kuryente sa buong bayan at hirap din ang signal ng komunikasyon. 

Pinakakailangan umano sa ngayon ng lokal na gobyerno ang tulong para sa clearing operation. 

"Pangangailangan namin mostly sa clearing. Naka-coordinate na naman ako sa DPWH 2nd District, pinapatila lang po ng konti, medyo malakas pa po ang hangin at ulan," ani Hosmillo.

Nagpaalala naman ang LGU sa mga residente nito na mag-doble ingat lalo na at malakas pa rin ang ulan at hanging dala ng bagyong Jolina.

Nag-landfall ang bagyo sa bayan ng San Juan sa Batangas alas-9 ng umaga Miyerkoles. Ito ay inaasahang kumilos patungong hilagang kanluran, ayon sa PAGASA.

Watch more on iWantTFC