PatrolPH

Bayan Mo i-Patrol Mo: Pananalasa ng Bagyong Jolina sa Luzon

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2021 08:28 PM

 

MAYNILA — Ibinahagi ng ilang Bayan Patrollers ang pananalasa sa ilang bahagi ng Luzon ng Bagyong Jolina nitong Miyerkoles.

 

Sa mga larawang ibinahagi ni Bayan Patroller Reymie Briones Dahilig ng Barangay Marintoc, Mobo, Masbate, makikita ang pinsala dinulot ng bagyo sa lugar.

Kwento ni Briones, labis na naapektuhan ang mga residenteng nakatira malapit sa dagat at makikita na ilang bahay ang nasira at iniwang putik ng malakas na ulan. 

Anila, umaraw na sa lugar kaninang umaga at mahinang ulan lang ang nararanasan bandang tanghali ngunit wala pa rin kuryente sa kanila at abala na ang mga residente sa paglilinis. 

“Sa ngayon po kanya-kanya pong naglinis ng kani-kanilang bahay ang mag residente. ‘Yung mga nawalan ng bahay ay kasalukuyang nasa evacuation center.”

 


Malakas na ulan at hangin naman ang nakunan ng video ni Bayan Patroller Jester Pagkaliwagan ng Barangay Poblacion 5, Taal, Batangas kaninang tanghali. 

Kwento niya, dahil sa lakas ng hangin ay rinig ang pagkalampag ng mga bubong at bintana ng mga bahay at wala na ring kuryente sa kanilang lugar. 

Pinasok naman ng tubig ang bahay ni Bayan Patroller Rosaly De Guzman ng Barangay San Jose Sico, Batangas City. 

Nakunan din niya ng video ang malakas na ulan sa kanilang lugar ngayong araw at bandang 8:00 ng umaga nang mawalan ang kuryete sa kanila. 

 

Halos umabot naman sa bewang ang baha na naranasan ng ilang residente sa Barangay Bulihan, Famy, Laguna kaninang umaga dahil sa patuloy sa lugar. 

Sa mga kuhang larawan at video ni Bayan Patroller Nixon Morales pasado 10:00 ng umaga, makikitang ilang bahagi na sa kanilang lugar ang binaha. 

Dagdag pa niya, malapit ang kanilang lugar sa ilog kaya maaari talagang bumaha lalo pa’t simula kahapon ay umuulan na. 

Sa ngayon, medyo nabawasan na ang lalim ng tubig baha pero patuloy pa rin ang pag-ulan, aniya. 

—Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo, i-Patrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.