PatrolPH

Baha sa ilang bayan sa Bulacan, humupa na; 2 dam nagpakawala ng tubig

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2021 11:46 PM

Humupa na ang tubig sa ilang bayan sa Bulacan matapos bahain dahil sa pag-ulang dulot ng bagyong Jolina.

Sanay na ang pamilya ni Anna Liza Cruz sa Sta. Monica, Hagonoy, Bulacan tuwing umuulan. Normal na lang daw sa kanila na binabaha ang kanilang bakuran at harap ng bahay. 

Pero kapag malakas daw talaga ang ulan at tuloy-tuloy sa loob ng ilang oras, pumapasok ang tubig sa loob ng kanilang bahay.
At sa bagyong Jolina, binaha na naman ang harap ng kanilang tindahan na lampas sa gutter.

"As in buong kalsada ng Sta. Monica ay talagang puro ano ng tubig, mataas po talaga," ani Cruz.

Karamihan sa mga bahay at establisyemento ay may mga sandbag sa harap para makontrol ang pagpasok ng tubig. 

Kahit daw kasi walang bagyo pero umulan at high tide, nagkakatubig na sa kalye.

"Kalimitan po dito sa mga bahay dito talagang nilulubog na dahil sa high tide sabay pa ngayon ng bagyo," paliwanag ni Cruz.

Gayunpaman, kung hihinto umano ang ulan ay mabilis ding humupa ang tubig.

Sa Obando, Bulacan naman ay binaha rin ang kahabaan ng J.P. Rizal Avenue at ilang mga eskinita sa Barangay Pag-asa. Umabot hanggang gutter ang tubig kaya dahan-dahan ang andar ng mga sasakyan.

Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, ang mga lugar ng Obando, Paombong, Hagonoy, Angat at Marilao ang ilan sa madalas bahain agad dahil nasa coastal area ang mga bayan na ito. 

Pero kung hindi rin lang naman daw tuloy-tuloy ang buhos ng ulan ay mabilis ding humupa ang baha kaya patuloy ang kanilang monitoring mula pa nang ibalita na may bagyong Jolina.

"Yung mga nasa geo-hazard binigyan natin ng deriktiba, yung mga munisipalidad at disaster office natin," ani Fernando.

Binantayan din nila ang Angat, Bustos at Ipo dam kung saan tumaas ang tubig kanina pero hindi pa lampas sa pinakamataas na normal na nibel nito.

Pero ang Ipo Dam ay nagbukas ng isang gate at nagpakawala ng tubig na nasa 46.50 cubic meters habang ang Bustos dam naman ay nasa 285 cubic meters.

Gayunpaman, hindi umano ito nagiging sanhi ng pagbaha.

"Mababa yun, hindi makakaapekto. Ang pinakapinangangambahan dito kung natuloy yan, kung tatagal ng isang oras at consistent sya sa paglabas, diyan tayo madidisgrasya ngayon," ani Fernando.

Nitong Miyerkoles, nasa 11 pamilya ang inilikas. Isang pamilya ang mula sa bayan ng Paombong at sampu naman ang mula sa bayan ng Angat. 

Dinala sila sa evacuation center sa kanilang lugar.

Pinaghahanda ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ang mga residente dahil sa pagdating naman ng bagyong Kiko.

Patuloy ang kanilang monitoring dahil inaasahan na sa Biyernes dadaan ang panibagong bagyo kahit na inaasahan nilang hindi ito tatama sa Central Luzon. 

May mga nakahanda umano silang evacuations center at rescue team ano mang oras na kailanganin ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.