MAYNILA - Inilipat na sa covered court ng barangay sa Taguig ang nasa 100 stranded na indibidwal na nauna nang nagkampo sa may bangketa ng Heritage Park at sa Libingan ng mga Bayani.
Sinagip sila ng Philippine National Police at lokal na pamahalaan ng Taguig at inilipat sa isang covered court sa Barangay Pinagsama.
Bago nito, ilang araw at gabi silang namalagi sa lansangan malapit sa mga nasabing sementeryo nagbabakasakaling makakuha ng sakay sa ilalim ng "Hatid Tulong" programa ng gobyerno.
Unang namalagi sa Libingan ng mga Bayani ang mga locally-stranded indibidwal bago lumipat sa ibang sementeryo.
Sa mga modular tent ipinatulog ang mga pamilya, habang naghihintay ng ticket pauwi ng probinsiya.
"Ang kagandahan po kasi dito ay matutulungan po sila ng lokal na pamahalaan kagaya po kahapon na binigyan po natin sila ng hygiene kits at pagkain," sabi ni Jopay Fabon ng Mayor's Action Team.
Para sa ilang namamalagi sa covered court, mas mainam ito kaysa ang dati nilang kinaroroonan.
"Kinupkop kami sa covered court. Hindi kagaya roon sa kampo sa libingan, tinapon kami parang hayop. Tapos mainit na lugar," ani Bernardo Robles, na pauwi sana ng Samar.
"May matutulugan na kami, may tent na kami, may CR na kami," ani Kismar Taha Adnan, na gusto namang umuwi ng Basilan.
"Sobrang pasasalamat po namin sa inyo dahil hindi na po kami naghirap ng ganoon sa buhay-kalsada katulad namin na wala nang mauuwian. Dito na po kami maghihintay hanggang makauwi po kami sa aming probinsya," ayon kay Cherryl, na gustong umuwi ng Ormoc City.
Sa ngayon, wala pang katiyakan kung kailan sila makakauwi.
-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, LSI, stranded, Taguig, Libingan ng mga Bayani, Heritage Park, locally stranded individuals Taguig