Matapos ang Pemberton pardon: Paglaya ng 'vulnerable inmates' inihirit sa SC

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2020 10:44 PM

MAYNILA — Sumugod sa Supreme Court (SC) nitong Martes ang mga miyembro ng grupong KAPATID para ipanawagan ang paglaya ng anila'y mga vulnerable inmate kasabay ng pagbibigay ng absolute pardon sa isang Amerikanong homicide convict.

Ang KAPATID ay samahan ng mga kamag-anak ng ilang inmates na kabilang sa tinatawag na "vulnerable" lalo na ngayong may pandemya.

Nagtirik ang mga ito ng itim na kandila na may asul na ribbon sa harap ng bakuran ng Korte Suprema. 

Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng grupo, sumisimbulo ang kanilang itim na kandila para kunsensiyahin ang mga mahistrado ng SC at magpasya na ang mga ito na palayain na ang mga vulnerable inmate.

Ginawa ng grupo ang kilos protesta kasabay ng en banc session ng mga mahistrado ng SC. 

Muling umapela ang grupo sa SC na aksyunan na ang kanilang petisyon na 5 buwan nang nakabinbin para sa kalayaan ng mga inmate na nasa vulnerable sector. 

Kabilang na dito ang mga senior citizen, mga may karamdaman, at mga nursing mother o mga nagpapasusong ina. 

Binatikos din ng grupo ang naging desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng absolute pardon si US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton.

Nakalulungkot anila na mabilis na napapalaya ang gaya ni Pemberton pero maraming mga Pilipino ang nabubulok na sa piitan, kabilang na anila ang mga political prisoner.

—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.