Mag-aama, 5 taon nang nakatira sa pedicab kasama ang 7 aso

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2020 09:15 PM

Paliwanag ni Anton Velasco, ang may-ari ng pedicab, wala na silang pambayad sa upa sa bahay. ABS-CBN News

MAYNILA - Nagsisilbing tirahan ng mag-aama at ng kanilang mga aso ang isang pedicab na iniikot nila sa lungsod. 

Sakay nito ang pitong aso na siksikan mula sa loob hanggang sa bubong ng sasakyan. Kasama ng mga aso ang dalawang bata at ang kanilang ama na si Anton Velasco. 

Naulila na ng asawa si Velasco, at kuwento niya na 5 taon na silang nakatira sa pedicab. Wala na kasi aniya silang pambahay sa upa sa bahay. 

"Kahit saan po kami nakakarating. Minsan dito sa Recto, España, tapos diretso kami ng Welcome [Rotonda], Quezon City tapos nakakarating kami Cubao kakaikot," ani Velasco. 

Nasa P200 ang kinikita niya sa pangangalakal sa loob ng isang araw. Pero kahit ganito, hindi niya gustong mamalimos. 

"Eh nahihiya naman ako tapos maganda na lang mangalakal kami kasi marami naman kaming makukuha tapos makakakain lang kami,” ani Velasco. 

"Kahit mababa na kita namin, okay naman kami." 

Kasama sa pinapakain ni Velasco ang 7 alagang aso. 

"'Yung ibang aso naligaw, kinuha ko na lang. Walang mag-aalaga. Kaysa mabangga sa kalye, binuhay ko na lang sila,” paliwanag niya. 

Nagpapatuloy ang mag-aama ngayong bakas anila sa kanila ang determinasyon sa pagsisikap para sa kanilang kinabukasan. 

— Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.