PatrolPH

'Classhome': Ilang kabahayan sa Tayabas ginawang tila silid-aralan

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2020 03:48 PM | Updated as of Sep 16 2020 09:07 PM

'Classhome': Ilang kabahayan sa Tayabas ginawang tila silid-aralan 1
Ginawang mistulang silid-aralan ng mga magulang ng ilang estudyante ng Mate Elementary School sa Tayabas, Quezon ang bahagi ng kanilang mga bahay para matulungang makapag-adjust ang mga anak sa distance learning. Larawan mula kay Jeffrey Dimailig

Para makatulong sa mga estudyanteng maka-adjust sa mga pagbabagong dulot ng COVID-19 pandemic sa edukasyon, dinala ng isang pampublikong elementary school sa Tayabas, Quezon province ang silid-aralan sa tahanan ng mga mag-aaral.

Ayon kay Mate Elementary School head Jeffrey Dimailig, ipinanukala niya ang ideya ng "classhome" sa mga magulang sa ilang pagpupulong sa kanilang komunidad.

"Para maramdaman ng mga bata na sila ay pumapasok pa rin at makita nila na ang environment ng kanilang bahay ay parang nasa eskuwelahan pa rin," sabi ni Dimailig sa panayam ng ABS-CBN News.

Sa "classhome," ginawang mistulang classroom ng mga taga-Barangay Mate ang kanilang mga bahay sa pamamagitan ng paglalagay ng mga reading material, poster at retrato na karaniwang makikita ng mga estudyante sa mga silid-aralan.

Puwedeng maki-"classhome" sa bahay ng iba ang mga estudyanteng hindi makapag-"classhome" sa kanilang sariling bahay.

"Mayroon kaming protocols kagaya ng nasa eskuwelahan 'pag papasok ang bata, may attendance, alcohol, face mask," ani Dimailig.

"Sa aming community, luckily, zero ang case namin sa COVID," dagdag niya.

'Classhome': Ilang kabahayan sa Tayabas ginawang tila silid-aralan 2
Ginawang mistulang silid-aralan ng mga magulang ng ilang estudyante ng Mate Elementary School sa Tayabas, Quezon ang bahagi ng kanilang mga bahay para matulungang makapag-adjust ang mga anak sa distance learning. Retrato mula kay Jeffrey Dimailig

Tutulong din ang mga magulang sa pag-aaral ng mga bata.

Sang-ayon naman sa ideya si Wilben Dañez, isang pulis sa lungsod na may 8 anyos na anak.

"Sa ganitong pamamaraan, kahit papaano... makakapag-aral ang mga bata. Pangalawa, 'di nila makakalimutan ang school," dagdag niya.

'Classhome': Ilang kabahayan sa Tayabas ginawang tila silid-aralan 3
Ginawang mistulang silid-aralan ng mga magulang ng ilang estudyante ng Mate Elementary School sa Tayabas, Quezon ang bahagi ng kanilang mga bahay para matulungang makapag-adjust ang mga anak sa distance learning. Retrato mula kay Jeffrey Dimailig

Naging daan din ang pag-decorate sa bahay para maka-bonding ng Grade 6 student na si Jaris Maeryl Salen ang kaniyang pamilya.

"Kung hindi po naisip ni Sir Jeff [Dimailig], boring po kami sa bahay," aniya.

Ipinagbabawal pa ang pagdaraos ng mga klase sa mismong campus ng mga paaralan upang maiwasang malantad ang mga mag-aaral, guro, at school personnel sa banta ng COVID-19.

Sa pagsisimula ng klase sa mga public school sa Oktubre 5, matututo ang mga bata mula sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng printed at digital modules, online classes, telebisyon, at radyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.