PatrolPH

Basurang naipon sa Manila Bay, hinakot na

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2020 01:13 PM

MAYNILA - Hinakot nitong umaga ng Martes ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga basurang naipon sa bahagi ng Manila Bay sa Manila Yacht Club.

Ito ay matapos kumalat sa social media ang mga retrato ng tambak na basura sa naturang bahagi ng baywalk.

Marami ang pumuna sa mga retrato dahil tila naipon ang kalat sa naturang bahagi habang abala ang mga awtoridad sa pagtambak ng synthetic white sand sa kabilang dulo, malapit sa US Embassy.

Lumusong ang mga tauhan ng MMDA sa baybayin ng dagat, kung saan halos nagagawa na nilang lumakad sa ibabaw ng basura dahil sa kapal ng naipong kalat.

Kasama sa mga naipong kalat ang mga kawayan at kahoy na napadpad sa lugar, gamit na diaper, plastic bottle, sachet, styrofoam, mga sirang tsinelas, at gamit na face mask.

Ayon sa mga tauhan ng MMDA, malimit silang maatasang maglinis ng kalat sa nasabing lugar.

Mas kakaunti pa anila ang nadatnan nilang basura kumpara dati.

Mistulang atraksyon naman para sa ilan ang sumulpot na white sand, na gawa sa dolomite, sa bahagi ng Manila Bay sa may gilid ng US Embassy.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABs-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.