Mga terorista inako ang pagpapasabog ng IED sa Sultan Kudarat

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2019 03:18 PM

MAYNILA — Inako ng teroristang grupong Islamic State (IS) ang pagpapasabog ng isang improvised explosive device (IED) sa tapat ng palengke ng Isulan, Sultan Kudarat noong Sabado.

Inilabas ng grupo ang kanilang pahayag gabi ng Sabado ilang oras matapos ang pambobomba.

Naunang sinabi ng pulisya na extortion o pangingikil ang posibleng motibo sa pagpapasabog, na nakasugat sa 8 tao.

Itinanim ang IED sa tabi ng motorsiklo na nakaparada sa tapat ng palengke sa National Highway ng Barangay Kalawag III.

Ito na ang ikaapat na pagsabog sa lugar sa loob ng 13 buwan, ayon sa militar.

Noong Abril lang ay hindi bababa sa 18 ang sugatan sa pagpapasabog ng umano'y pro-IS group sa isang restoran sa Sultan Kudarat.

Samantala, mas lalong hinigpitan ang seguridad sa bayan. Pinaalalahanan din ang publiko na maging mapagmatiyag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.