Kaanak ng ilang convict masama ang loob sa pagsuspende sa GCTA

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2019 07:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawampu't limang taon nang nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa ang asawa ni alyas "Jenny" dahil sa kasong rape.

Makalalaya na raw sana sa susunod na taon ang asawa dahil sa good conduct time allowance (GCTA) pero mukhang mapupurnada ito.

"Natuwa na po sila noong sinabing bibigyan sila ng GCTA. Ngayon parang nawalan na naman po sila ng pag-asa, sana naman po mapatuloy na ang pag-ayos ng GCTA nila," ani Jenny.

Sinuspende ng gobyerno ang proseso ng paglaya ng mga preso dahil sa ilalim ng GCTA law kasunod ng muntikang pagpapalaya sa rape-slay convict na si Antonio Sanchez.

Si Sanchez — na dating alkalde ng Calauan, Laguna — ang itinuturong mastermind sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta, at pagpatay kay Alan Gomez noong 1993.

Ayon naman kay "Marigold," na asawa rin ng convict, narinig na niya noon ang umano'y bentahan ng paglaya ng preso sa ilalim ng GCTA.

Pero hindi raw niya naranasang may mag-alok nito sa kaniya.

"Disadvantageous din for the inmates kasi siguro let's say may few of them na mayroon talagang nangyayari," ani Marigold.

"Medyo tainted talaga ang history ng BuCor," dagdag ni Marigold.

Masama rin ang loob ni BJ Javellana, anak ng convict, dahil nadadamay sa gulo sa Bureau of Corrections (BuCor) ang mga taong karapat-dapat nang lumabas ng kulungan gaya umano ng kaniyang ama.

"They use their power, money para mapabilis 'yong pag-process ng kaso nila. Paano naman 'yong mga taong walang pera, mga taong hindi mayayaman?" ani Javellana.

Kasunod ng pansamantalang pagsuspende sa GCTA, nanawagan ang mga kapamilya ng ilang preso na ibalik ito para makalaya ang kanilang mahal sa buhay.

Nasa 76 na heinous crime convict na napalaya sa ilalim ng GCTA ang nakabalik na sa mga pasilidad ng BuCor, base sa ulat noong hatinggabi ng Linggo.

Aabot naman sa 65 ang sumuko sa mga police station.

Samantala, bumuo na si Justice Secretary Menardo Guevarra ng komite para tutukan ang BuCor habang wala pa ang bagong pinuno nito, ayon kay Justice Undersecretary Mark Perete.

Magugunitang sinibak sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkoles si BuCor chief Nicanor Faeldon kasunod ng pagpapalaya sa mga heinous crime convict.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.