Drayber ng motor, patay nang mabangga ng dump truck sa Butuan City

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2019 05:53 PM

BUTUAN CITY -- Isa ang patay habang sugatan ang dalawa pa sa banggaan ng dump truck at motorsiklo sa Macapagal Bridge, Barangay Villa Kananga, Butuan City Sabado ng gabi.

Dead-on-the-spot ang drayber ng motorsiklo na si Michael Tabulo, 32 anyos, habang sugatan naman ang mga angkas nitong sina Joven Cagnaan at Michael Musong matapos na mabangga ng isang dump truck ang kanilang sinasakyang motorsiklo.

Nagtamo ng sugat sa ulo at tiyan si Tabulo na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.

Tumakas ang hindi pa nakikilalang drayber ng dump truck.

"Yung traffic investigator natin nag-conduct ng follow-up investigation para matukoy kung anong possible na plaka noong dump truck na nakabangga, naka-side sweep doon sa motorcycle. Napag-alaman na parang yellow ang kulay nung dumptruck," paliwanag ni Police Captain Emerson Alipit.

Nananawagan rin si Alipit sa drayber ng dump truck na sumuko na sa istasyon ng pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.