2 tauhan ng BuCor na idinawit sa 'GCTA for sale' modus pumalag

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2019 12:48 PM | Updated as of Sep 08 2019 11:06 PM

MAYNILA — Mariing itinanggi ng 2 tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang akusasyon ng isang whistleblower na dawit sila sa kontrobersiyal na "GCTA for sale" modus sa New Bilibid Prison.

Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News, sinabi nina Correctional Senior Ins. Maria Belinda Bansil at Corrections Officer 3 Veronica Buño na wala silang kinalaman sa ibinibintang ni Senate witness Yolanda Camilon.

Sa isang pagdinig ng Senado, sinabi ni Camilon na sina Bansil at Buño ang nagpakilala sa kaniya kay Staff Sgt. Ramoncito "Chito" Roque ng BuCor Documents Division na binayaran nito ng P50,000 kapalit ng pagpapalaya ng asawa niya gamit ang GCTA credits.

"Wala naman akong kinalaman sa GCTA for sale na iyan. Ang may access sa GCTA, 'yung mga documents sections... Pagdating sa 'kin nasa external affairs section kasi ako," ani Bansil.

"Wala kaming kinalaman, wala po talaga kaming access pagdating sa pagbibigay ng GCTA," sabi naman ni Buño.

Giit pa ni Bansil, tinulungan lang niya si Camilon na pumunta sa bahay ni Roque. Pero pagdating nila doon ay nagulat siyang magkakilala na ang dalawa.

"Pababa pa lang siya ng hagdan dun sa entrance ng bahay nila, nagsabi siya na, 'Oh kumusta, Yolly.' Nagulat ako, magkakilala pala sila ni Chito Roque. Sagot ni Roque matagal ko 'yang naging kapitbahay," kuwento ni Bansil.

Doon niya natuklasan na may nauna nang usapan ang dalawa. Gayunpaman, wala daw siyang nakitang abutan ng pera.

"Kung meron man silang transaksiyon, dalawa sila, hindi ko alam dahil wala akong narinig at wala din naman akong nakita," giit ng opisyal.

SIYA ANG MAY GALIT

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Camilon na si Bansil ang nagsabi sa kaniyang may mga banta sa buhay ni Ruperto Traya Jr. ng Inmate Document Processing Division ng BuCor. Napatay si Traya nitong Agosto 27.

Pero ayon kay Bansil, may galit sina Camilon at kaniyang asawa kay Traya dahil mula sa unang iginawad na 95 days na bawas sa sentensiya dahil sa GCTA, pinababa ito ni Traya at ginawang 45 days. 

Palaisipan naman daw para kay Buño kung bakit nadawit ang kaniyang pangalan sa kontrobersiya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Bigla pong lumapit 'yung Yolly na nakikiusap na baka puwede siya tulungan kasi 'yung oras ng dalaw ay lumagpas na po siya. So 'yun lang naman po 'yun... Tapos bigla na lang po siyang nagtanong kung kilala ko po ni Ma'am Mabel (Bansil) at si Sir Chito," aniya.

Nanindigan sina Bansil at Buño na wala silang kinalaman sa GCTA for sale sa Bilibid.

Handa daw silang humaras sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado sa Lunes. 

Agosto nang pumutok ang isyu ukol sa pag-abuso sa GCTA dahil sa balitang nakaambang paglaya ni convicted rapist-killer Antonio Sanchez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.