SOCO: Bangkay ng 14-anyos, natagpuang palutang-lutang sa creek

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 03:58 PM | Updated as of Sep 08 2018 03:59 PM

 

Natagpuang palutang-lutang sa creek ang bangkay ng 14-anyos na si alyas "Jhessa" sa Barangay Dampol sa Pulilan, Bulacan noong Agosto 13, 2018.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, nagpaalam daw si Jhessa noong Agosto 7 para bumili ng kendi sa tindahan, pero hindi na bumalik ang dalaga.

“Hinanap po talaga namin hanggang sa Miyerkoles, Huwebes, Biyernes, Sabado. Hindi po talaga kami tumigil. Kada gabi na nga po minsan kami nakakauwi. Talagang hinanap namin siya,” sabi ng kapatid ng biktima na si alyas "Mutya."

Mga saksak sa katawan ang direktang ikinamatay ng biktima, ayon sa autopsy.

Sa pag-usad ng imbestigasyon, natukoy ng mga awtoridad na ang cellphone ng biktima ay isinangla sa isang babae. Ayon sa nasabing babae, nabili niya raw ito mula sa isang alyas "Liit." 

Nahanap naman agad ng mga pulis ang person of interest dahil napag-alaman nilang kakilala ito ng biktima.

Iginiit naman ni Liit na ang kasamahan nitong si Melvin Altubar ang promotor sa krimen.

“Si alyas Liit, talagang umamin. Ito pong suspek number 2 na si Melvin Altubar, hindi po umamin noong una,” ayon kay Supt. Arwin Tadeo ng Pulilan police.

“Pero nung lahat ng ebidensya nakuha natin, plus 'yung kasama eh tinuturo siya, umamin na din po,” dagdag ng pulis.

Ayon kay Liit, nag-iinuman raw sila noon ni Altubar nang naka-chat niya si Jhessa. Sinundo nilang dalawa ang dalagita sa naturang tindahan.

“Akala ko po, inom lang talaga. Dinala ko po don sa may bahay namin. Nag-inom po kami, kami pong tatlo,” kuwento ni Liit.

Dahil daw sa dami ng nainom, naging agresibo si Altubar sa dalagita.

“Nung pumalag po 'yung babae, hinawakan niya po sa leeg tapos kumuha siya ng tali. Gusto niya po kasing galawin 'yung babae. Ayaw naman po sa kaniya. Tinali niya po,” ani Liit.

“Sinaksak pa po niya ‘yun bago namin itapon,” dagdag nito.

Nahaharap ngayon sa kasong rape with homicide at robbery sina Liit at Altubar.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO" ngayong Setyembre 8, Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.