MAYNILA—Umalma na ang ilang netizens dahil itinataon umano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang road repairs tuwing ber months, kung kailan inaasahan ang mabigat na daloy ng trapiko.
Dalawang tulay sa Maynila ang nakatakdang kumpunihin ng MMDA simula sa September 15 — ang Old Sta. Mesa Bridge at ang Nagtahan Bridge.
Depensa naman ni MMDA general manager Jojo Garcia, kailangan nang simulan ang road repairs na para rin naman sa kapakanan ng mga motorista.
Ginawa pa nitong halimbawa ang Otis Bridge, na bumigay muna bago sinimulang isailalim sa rehabilitasyon.
Giit ni Garcia, lagi namang may okasyon at kung sa Enero pa sisimulan ang road works, maaaring abutin hanggang pasukan ang pagkukumpuni.
Nag-abiso na rin ang MMDA sa mga motorista na asahan ang matinding trapiko sa ilang kalsada sa Kamaynilaan hanggang sa susunod na taon.
-- ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
MMDA, trapik, Nagtahan Bridge, Old Sta. Mesa Bridge, Tagalog news