Mga istruktura sa Port Barton, pinatawan ng notice of violation

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 05:33 AM

Diana Lat, ABS-CBN News

PALAWAN - Pinatawan ng notice of violation dahil sa iba't ibang paglabag ang nasa 240 establisimyento sa Barangay Port Barton, San Vicente, Palawan.

Nakitaan na walang mayor's permit ang 106, walang environmental compliance certificate ang 191, walang strategic environmental plan clearance ang 193, hindi sumunod sa sanitary standards ang 206, at iba pa.

Isinagawa ng lokal na pamahalaan ng San Vicente ang inspeksiyon noong Abril matapos ang isyu ng pagpapasara sa Boracay.

Bibigyan ng San Vicente LGU ang mga establisimyento nang panahon para ayusin ang kanilang mga kakulangan.

Ayon kay James Inawasan, municipal administrator ng San Vicente, ipapasara agad ang mga istruktura na matagal nang nago-operate pero wala pa ring mayor's permit.

Paglilinaw ng San Vicente LGU, nagkaroon ng konsultasyon bago sila maghain ng notice of violation.

Ginagawa nila ito upang maiwasan ang nangyaring pagpapasara sa Boracay. - ulat ni Diana Lat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.