Inabandona ang militar? Duterte, Trillanes nagsagutan sa isyu ng amnestiya

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 02:50 PM | Updated as of Sep 08 2018 09:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagkalapag pa lang sa bansa mula sa kaniyang mga biyahe sa Israel at Jordan, agad binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Antonio Trillanes IV at dinepensahan ang kaniyang proklamasyong nagpapawalangbisa sa amnestiya ng kaniyang kritiko.

Ayon sa Pangulo, nagpapanggap lamang si Trillanes bilang tagapagtanggol ng mga sundalo ngunit wala naman daw itong ginawa para sa kanilang kapakanan at bagkus ay naging kurakot pa. 

"It was all Trillanes, pretending to be a crusading soldier when as a matter of fact, wala naman silang ginawa...He not only abandoned the vision of the military, he became a corrupt guy, collecting diyan sa mga negosyante," ani Duterte. 

Binatikos din ni Duterte si Trillanes, isang dating Navy officer, dahil sa umano'y kawalan nito ng malasakit sa mga sundalong napatay sa giyera sa Marawi noong 2017.

Limang buwan nakipagbakbakan ang mga tropa ng gobyerno laban sa mga terorista sa siyudad sa Mindanao noong nakaraang taon. 

"Itong si Trillanes, sundalo. He believed that he was for the military... Nagpakita ba sila minsan sa Marawi? When a lot of my soldiers and policemen in Marawi died, pumunta ba sila to console?" ani Duterte, na ilang beses bumisita sa Marawi sa gitna ng kaguluhan. 

Martes nang maisapubliko ang Proclamation No. 572 na nagpapawalangbisa sa amnestiyang ipinagkaloob kay Trillanes noong 2011 at layong buhayin muli ang mga kasong hinarap niya noon kaugnay ng 2003 Oakwood mutiny at 2007 Manila Peninsula incident. 

Ayon sa proklamasyon, hindi nasunod ni Trillanes ang mga tamang hakbang sa pag-aapply ng amnestiya kaya simula't sapul ay hindi ito epektibo.

Sa parehong araw, naghain ng mosyon ang Department of Justice (DOJ) sa Makati Regional Trial Court (RTC) branch 148 upang magpalabas ito ng arrest warrant at hold departure order laban kay Trillanes.

Pero ayon sa RTC, aantayin nila ang sagot ni Trillanes sa mosyon at magdaraos muna ng pagdinig sa Setyembre 13. 

Nitong Biyernes, nagsampa naman ng kasong libelo laban kay Trillanes ang anak ng pangulo na si Paolo Duterte dahil sa umano'y mapanirang pahayag nito sa radyo noong nakaraang taon.

Sa parehong araw, nagsampa rin ang DOJ ng isa pang mosyon - sa Makati RTC Branch 150 naman- upang humiling ng arrest warrant at hold departure order laban sa senador. 

Isang kasong inciting to sedition o inciting to coup d'etat naman ang balak ihain laban kay Trillanes ni Labor Undersecretary Jacinto Paras sa darating na linggo dahil sa umano'y panghihikayat nito sa militar na mag-aklas laban sa administrasyong Duterte. 

Ayon kay Duterte nitong Sabado, hindi niya pinag-iinitan si Trillanes, na kilala bilang kaniyang kritiko. 

Ang totoo daw, si Solicitor General Jose Calida—na tinawag niyang "medyo bright [matalino] at matino" —ang talagang umungkat sa umano'y walang bisang amnestiya ni Trillanes.

"Iyung kay Trillanes, alam mo ang totoo niyan, ang nag-research, si Calida. Just like kay [ex-chief justice Maria Lourdes] Sereno, he was the one...Kung ano ang sinabi niyo doon, 'yun ang paniwalaan ko," ani Duterte.

Gayunpaman, ipapaubaya daw ni Duterte sa korte kung mananaig ang naunang amnestiya ni Trillanes o ang kaniyang proklamasyon.

Naghain na ng petisyon sa Korte Supreme si Trillanes upang labanan ang kautusan ni Duterte.

"Now if the Supreme Court says my proclamation is invalid, let it fall," pahayag ni Duterte.

TRILLANES PUMALAG

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang talumpati ng Pangulo, agad nagpa-press conference si Trillanes upang pasinungalingan ang umano'y kaniyang pag-abandona sa kasundaluhan.

Giit niya, nagpagawa siya ng mga pasilidad para sa mga sundalo at siya rin daw ang may-akda ng Armed Forces of the Philippines Modernization Act. 

"Lahat ng iba't ibang kampo, nagpagawa tayo ng iba't ibang infrastructure, whether barracks ng enlisted men, club rooms ng mga opisyal, quarters ng mga opisyal. Sa lahat ng mga iba't ibang kampo sa buong Pilipinas. Alam ng sundalo 'yan," ani Trillanes.

Hinala ni Trilanes, tila nililigawan daw ni Duterte ang militar upang magamit sa kaniyang pansariling agenda.

"Ano ba ang hangarin niya? Bakit niya nililigawan ang Armed Forces? Dahil ba gusto niya ba na talagang maayos ang kapakanan nila? Hindi, dahil gagamitin niya na tool for oppression," ayon sa senador.

Kasalukuyang naglalagi si Trillanes sa Senado simula nang lumabas ang proklamasyon sa harap ng banta ng pag-aresto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.