Drug suspect patay sa pamamaril sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 10:52 AM

Bago ang pamamaril, nakita ang mga salarin na kumukuha ng retrato at video ng lugar, ayon sa mga nakasaksi sa insidente. Cherry Palma, ABS-CBN News


LA PAZ, Iloilo City – Isang lalaking dati nang sumuko dahil sa ilegal na droga ang pinagbabaril ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo sa Barangay Ingore sa bayang ito, Biyernes ng gabi.

Nadala pa sa pagamutan si Rolando Puda Jr. pero namatay rin sa tinamong apat na tama ng bala sa katawan.

Ayon sa isang residente na nakasaksi sa pangyayari, nakasuot ng bonnet at helmet ang mga salarin.

Dagdag pa ng mga saksi, napansin na nila ang mga suspek na kumukuha ng retrato at video ng lugar isang araw bago ang pamamaslang.

Sa pahayag ng punong barangay ng Ingore, hindi na nagtutulak ng droga ang biktima.

Si Puda ang ika-9 na dati nang sumuko dahil sa droga na napatay sa lungsod dahil sa police operation o sa pamamaslang mula lamang noong nakaraang linggo. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.