Canadian na tulak umano ng 'damo' arestado sa buy-bust

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 10:24 AM

Ibinebenta umano ng Canadian national ang marijuana galing pang Maynila sa mga estudyante sa Dipolog City. Dynah Diestro, ABS-CBN News


DIPOLOG CITY – Agad na inaresto ang isang 47-anyos na Canadian national sa buy-bust operation ng awtoridad sa Barangay Lower Dicayas, Biyernes. 

Tatlong pakete ng marijuana ang nabili ng nagpanggap na buyer sa halagang P500 mula sa Canadian sa labas ng nirerentahan nitong apartment.

Tumambad pa sa awtoridad ang apat na malalaking lalagyan na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana nang pasukin nila ang apartment ng banyaga.

Marijuana ashes, marijuana cookies, drug paraphernalia, marked money at mahigit P700 na hinihinalang kita sa pagbebenta ng marijuana ang narekober din ng awtoridad.

Tinatayang aabot sa P150,000 ang halaga ng nakumpiskang marijuana mula sa banyaga. Ayon sa kaniya, galing umano ng Maynila ang marijuana.
 
Ayon naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa mga estudyante ng Dipolog ibinebenta ng banyaga ang marijuana.

Mariin naman niyang itinanggi ang mga paratang.

Nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang banyaga.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.