Bus, sumalpok sa poste sa Commonwealth Avenue; 20 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 01:33 AM | Updated as of Sep 08 2018 09:47 PM

Watch more in iWantTFC
Fred Cipres, ABS-CBN News

MAYNILA - Sugatan ang nasa 20 katao matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang pampasaherong bus sa isang poste sa Commonwealth Ave., Quezon City.

Batay sa paunang ulat, naputulan ng paa ang konduktor ng Precious Grace Transport bus na kinilalang si Jefrey Simbulan.

Nangyari ang insidente sa eastbound lane ng Commonwealth Ave. malapit sa U.P.–Ayala Land TechnoHub.

Ayon sa salaysay ng drayber ng bus na si Joel Castillon, nawalan umano ng preno ang bus kaya ibinangga niya ito sa poste.

Watch more in iWantTFC
Fred Cipres, ABS-CBN News

Kuwento ng mga pasahero, may kabilisan ang takbo ng bus. Naramdaman naman ng ilan na prumeno ng malakas ang bus bago ito tuluyang tumama sa poste.

Wasak ang kanang bahagi ng harapan ng bus. Binasag na ang salamin nito para makalabas ang mga pasahero.

Watch more in iWantTFC

Biyaheng Grotto-NAIA ang bus at maraming sakay na pasahero. May mga nakatayo pa umano sa aisle nito.

Dinala naman sa East Avenue Medical Center ang mga sugatang pasahero. Karamihan sa kanila ay nagtamo ng sugat sa iba't ibang parte ng katawan. 

Sasagutin naman ng Precious Grace Transport ang gastos ng mga biktima. - may ulat ni Fred Cipres at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.