5 arestado sa umano'y drug den sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 11:49 AM

MAYNILA - Lima ang arestado sa isa umanong drug den sa Barangay San Nicolas Dos sa Bacoor City sa Cavite Biyernes ng gabi.

Ayon kay Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police, mahirap pasukin ang lugar na nasa tabing ilog at maraming residente.

Pero nakuhanan umano sa surveillance video ang talamak na paggamit ng ilegal na droga sa mga barong-barong sa lugar kaya ikinasa ang drug operation.

Nakatanggap ng report ang mga pulis Biyernes ng gabi na may mga drug personality na pumasok sa lugar.

Inabutan nila sa bahay nito si Ian Tagle, isang drug personality na matagal nang minamanmanan.

Ayon sa mga naunang nahuling drug suspect, si Tagle umano ang nagpapanatili ng drug den at nagtutulak ng droga sa lugar. Hindi rin umano ito sumuko sa Oplan Tokhang.

Ayon naman kay Tagle, isang taon na siyang gumagamit ng droga pero hindi siya nagtutulak.

Bukod kay Tagle, apat na iba pa ang naaresto, kabilang ang isang babaeng nagdadala umano ng mga menor de edad sa drug den.

Nakuha rin sa lugar ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,000, sumpak, at iba't ibang kagamitang may kinalaman sa ilegal na droga. 

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naaresto. 

- ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.