Walang banta ng tsunami sa Pilipinas - PHIVOLCS

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 04:43 PM | Updated as of Sep 08 2017 09:03 PM

Iginiit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na walang dapat ikabahala ang Pilipinas dahil hindi ito tatamaan ng tsunami matapos ang malakas na lindol sa baybayin ng Mexico nitong Biyernes.

Bagamat walang peligro sa bansa, sinabi ng PHILVOCS na patuloy nilang babantayan ang sitwasyon sa Mexico.

Ayon kay Ishmael Narag, officer-in-charge ng PHIVOLCS Seismology Division, walang posibilidad ng tsunami sa bansa dahil mas mababa pa sa isang metro ang taas ng alon na nilikha ng 8.1 magnitude na lindol.

Nauna nang magpalabas ng tsunami message ang Pacific Tsunami Warning Center sa posibleng pagtama ng tsunami sa mga bansa sa Asia Pacific, kabilang ang Pilipinas, Latin America at iba pang lugar na may baybaying nakaharap sa Karagatang Pasipiko.

Pinag-ingat din ng PHILVOCS ang mga naninirahan sa mga probinsiyang katapat ng Pasipiko dahil sa posibilidad ng pagtaas ng tubig.

Subalit binawi ng PHILVOCS ang babala sa isang abisong inilabas bandang alas-3:29 ng hapon.

Wala pang natatanggap na ulat ang Embahada ng Pilipinas sa Mexico kung may apektadong kababayan.

Ayon sa embahada, may 700 Pilipino ang nasa Mexico ngayon.

Sinasabing mas malakas ang lindol ngayon kumpara sa tumama sa Mexico City noong 1985, na kumitil sa buhay ng libo-libong tao.

Sa ulat ng Reuters, anim ang namatay sa lindol.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.