DOTr, railway-maintenance firm patuloy ang alitan ukol sa MRT-3

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 09:07 PM | Updated as of Sep 08 2017 09:28 PM

Patuloy ang bangayan sa pagitan ng Department of Transportation (DOTr) at ng maintenance provider ng MRT-3 ukol sa pamamaraan ng paglutas ng mga aberya sa biyahe ng riles.

Para kay Cesar Chavez, ang DOTr undersecretary for rails, dapat nang putulin ang kontrata ng maintenance provider na Busan Universal Rails Inc., dahil sa palpak na serbisyo.

Subalit bibigyan umano ng kagawaran ang kompanya ng pagkakataong magpaliwanag.

Isa hanggang dalawa umano ang naitatalang aberya sa MRT bawat araw.

Mula 2006, patuloy na tumataas ang bilang ng aberya sa MRT. Bahagya lamang itong bumaba nitong nakaraang taon.

Para naman sa Busan Universal Rails Inc., kinakailangang ayusin ng DOTr ang riles, bagay na hindi sakop sa kanilang kontrata.

Ilang beses nang nagmungkahi ang kompanyang Metro Pacific na sila na ang magpanatili at magpatakbo ng MRT.

Kinuwestiyon naman ng MRT Corp., ang private owner ng MRT, kung bakit bukas ang gobyerno sa mga "unsolicited proposal."

Katuwiran ng MRT Corp., nasa kontrata nila ang pamamahala sa technical maintenance ng MRT.

May panukala rin umano ang MRT Corp. na ayusin ang riles sa halagang $150 milyon, o mahigit P7.5 bilyon, kapalit ang dagdag pasahe.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.