Alkalde ng Kabacan, nakatanggap ng banta sa buhay

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2016 05:37 PM

NORTH COTABATO – May mga natanggap umanong pagbabanta sa buhay ni Kabacan Mayor Herlo Guzman mula sa mga grupo ng sindikato.

Ayon sa alkalde, ito ay maaaring dahil sa mga programa niya laban sa kriminalidad.

Nangangamba na umano ang alkalde para sa seguridad nila ng kanyang pamilya kasunod ng mga natatanggap na intelligence report mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa isang assassination plot na umanong binuo laban sa kanya.

Dagdag ni Guzman, mayroon din siyang natatanggap na mga text message na pinagbabantaan ang kanyang buhay.

"Ang information natin galing sa intelligence network ng kapulisan at Philippine Army at nakareceive din tayo ng text. Cautious nga kami sa ginagawa namin at alert kami dito sa bayan ng Kabacan," ani Guzman.

Isa sa mga tinitingnan ng alkalde ay ang isang puganteng may alias na “Derby,” na nahuli sa bayan ng Kabacan.

Nakapuga ito sa North Cotabato District Jail kamakailan.

“Yun ang nasa-sight na grupo nga ni alyas Derby na gustong tumira sa akin dahil marami din itong grupo na nauugnay sa kanya,” ani Guzman.

Ayon sa direktor ng North Cotabato Police na si Police Senior Superintendent Emmanuel Peralta, may direktiba na siya sa hepe ng Kabacan PNP kaugnay sa seguridad ng bayan at ng alkalde.

“Nagco-coordinate na kami. In fact, nag-communicate na kami ni mayor at nagpadagdag na rin tayo ng security personnel. Sinabihan na rin natin iyong chief of police ng Kabacan na tingnan iyong security arrangement ng ating mayor,” sabi ni Peralta.

Pinaiimbestigahan naman ng opisyal ang mga natatanggap na intelligence report upang masigurong hindi magtagumpay ang anumang pagbabanta sa buhay na mula samga sindikatong gumagala pa rin sa bayan.

Patuloy din ang pagtugis sa puganteng si Derby.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.